Message Theme & Verses: Ezra
Memory Verse: Ezra 3:12 Nandoon ang maraming matatandang pari, mga Levita, at mga pinuno ng mga pamilya na nakakita noon sa unang temple. Umiyak sila nang malakas nang makita nila ang pundasyon ng bagong temple. At marami rin ang sumigaw sa galak.
Katatapos lang palayain ng Diyos ang Kanyang mga tao mula sa pagkakataboy sa banyagang lupain. Hinipo Niya ang puso ng mga banyagang hari upang palayain sila at ngayon ang mga tao ay nakabalik na sa Jerusalem kung saan ang templo ay winasak at ang mga dayuhan ay nagkalat sa paligid. Si Ezra, isang pari at eskriba ay nagsimulang magturo sa mga tao kung papaanong mahalin at sundin ang Diyos. Ang mga tao ng Diyos ay pinalaya upang magmahal at maglingkod sa Kanya nang naaayon sa Kasunduan dahil ang awa ng Diyos ay higit pa sa Kanyang galit.
Noong una, ang aklat na ito ay kasama ng Nehemiah, ang susunod na aklat, at kahit ngayon sa Kasulatan ng mga Hudyo ay ganoon pa rin. Ang mga nasusulat rito ay napakahalaga sa aklat na ito. Ito ay mga nakasulat na Kasunduan na nagpapalaya sa mga tao ng Diyos at mga liham na nagsisimula at nagtatapos ng pagpapatayo ng templo. Sa mga panahong ito, sa pagbabalik ng mga tao ng Diyos mula sa pagkakataboy, na ang mga propeta ay nagsimulang maging tahimik at hindi magsasalita sa loob ng 400 na taon hanggang sa pagdating ni John the Baptist, ang huling propeta. Kung kaya ang mga tao ng Diyos, katulad ngayon, ay kinakailangang umasa sa Salita ng Diyos upang turuan sila ng patungkol sa Diyos at kung ano ang sinsabi Niya sa atin. Dito sa Bibliya, mayroon tayong otoridad, kalakasan ng loob, at pag-asa.
Isinasalaysay ni Ezra ang katapatan ng Diyos sa Kanyang mga tao sa pamamagitan ng kwento na nasisingitan ng mga listahan, makasaysayang dokumento at kasunduan, talaan ng lahi at mga panalangin. Ang dalawang pangunahing pangyayari ay ang pagtatayo ng gusali ng pangalawang templo at ang pag-aasawa ng mga Israelita ng mga banyagang babae na sumasamba sa mga bulaang paganong diyos. Makikita natin sa Ezra na ang lahat ng tao ng Diyos, hindi lang ang mga pinuno ay mahalaga at ginagamit ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin. Sa likod ng mga ginagawa ng mga tao, Israelita man o banyaga, ay ang Espiritu ng Diyos, kamay, patnubay, at layunin.
Ang mga tao ng Diyos ay sa Diyos hindi dahil sa lahi o kapanganakan nila, kundi sila ay mga taong pinagkasundo, pinili ng Diyos upang ihiwalay sa sanlibutan, upang sambahin Siya, at pagpalain ang ibang tao. Ang pagsamba sa Diyos nang naayon sa kagustuhan Niya ay pagpapakita sa Diyos na minamahal at iginagalang Siya ng mga tao. Nakatitiyak si Ezra na ipanunumbalik niya ang tamang pagsamba at sasambahin ng mga tao ang Diyos nang may kagalakan.
Napakagandang pagmasdan na ang kwento ng bayan ng Diyos ay hindi nagtapos sa pagkakataboy nila sa ibang bansa. Ang Diyos ay tapat sa Kanyang mga tao at tapat sa Kanyang pangako na ikalat ang ilaw ng Kanyang kaharian sa buong mundo, sa pamamagitan ng Kanyang mga tao. Naramdaman ng mga tao ang poot ng Diyos sa pagkakataboy, nagsisi at nagsumikap na manatiling tapat sa ating dakilang Diyos. Mayroong pagdiriwang sa gitna ng pagkakasala at pagsisisi sapagkat ang mga tao umaasa sa sinaunang mga pangako ng kalayaan na makapaglingkod sa Diyos bilang Kanyang mga tao.
Basahin ang Ezra 1:1-11
Si Jesus sa Ezra
Muli pa, bagama’t sila ay nagkasala at naramdaman ang paghatol ng Diyos, makikita natin ang panunumbalik ng mga tao ng Diyos sa Kanya sa pagsisisi habang sila ay pinangungusapan ng Salita ng Diyos. Katulad noong panahon ni Josiah na pinakitaan siya ng mga natagpuang Aklat ng mga Kautusan, ang mga tao ay muling nagdiwang ng Paglampas, inaalala ang pagliligtas ng Diyos sa kanilang mga ninuno at inaantabayanan ang kaligtasang darating sa pamamagitan ni Jesus, ang Mesias. Handang kumprontahin ni Ezra ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, katulad rin ng gagawin ni Jesus sa Bagong Tipan kapag Siya ay dumating nang nangangaral ng “magsisi at manampalataya”. Makikita natin ang mga puso ng mga tao ng Diyos na pinalambot ng awa at biyaya ng Diyos, at hinahangad nilang sumamba sa paraan na makalulugod sa Diyos. Nagtayo ng pisikal na templo ang mga tao dahil gusto nilang maramdaman ang presensiya ng Diyos, na naninirahan kasama nila. Hindi maglalaon tatawagin ni Jesus ang Kanyang sarili bilang templo na mas mainam na paraan ng paninirahan ng Diyos kasama ang Kanyang mga tao, kesa sa pamamagitan ng mga bato at tisa. Makikita rin natin na ang mga tao ng Diyos, ang simbahan, ay naging templo kapag ang Banal na Espiritu ay nanirahan sa kalooban ng mga mananampalataya upang sila’y bigyang kapangyarihan bilang mga kinatawan ng Mabuting Balita ni Cristo Jesus. Hindi na natin ngayon kailangan ng templo at wala na ring templo sa Bagong Jerusalem, dahil sinabi sa Pahayag 21:22 na “ang templo nito ay ang Panginoong Diyos na Dakila at ang Kordero”. Sa pagbabalik ni Jesus, tayo ay magsasaya at magdiriwang nang may mas dakilang kagalakan kesa sa noong makita ng mga tao ng Diyos ang baging templong itinayo matapos ang pagkakataboy nila.
Mga Katangungan
Anong gusali na ang nakita mong pinakamaganda o nagbigay sa iyo ng labis kagalakan?
Naransan mo na bang maging masaya at malungkot nang sabay? Maaari mo bang ikwento ang tungkol dito?
Ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng Kanyang mga tao, pero dito, makikita rin natin Siyang gumagamit ng banyaga, hindi nananampalatayang hari para sa Kanyang layunin. Ano ang masasabi mo dito? Nakapagbibigay bas a iyo ito ng pag-asa? (Siyempre, nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at lahat ng mga tao at kaya Niyang gamitin ang mga ito sa Kanyang mga layunin. Dito, ginamit ng Diyos si Haring Cyrus upang isugo ang mga tao ng Diyos papauwi sa Kanyang Dakilang Habag, pero ginamit rin ng Diyos ang mga hari ng Babylon upang dakpin ang mga taong ito at hatulan. Ito ay para sa ikabubuti ng mga tao ng Diyos, upang maipanumbalik sila sa Kanya. Ang Diyos ay malayang gawin ang anumang gusto Niyang gawin at ginagawa Niya ang lahat para sa Kanyang ikaluluwalhati at ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya.)
Naipatayo ni Cyrus ang templo sa Jerusalem sa pamamagitan ng paglalabas ng kasunduan. Anong batas sa Pilipinas ang sa tingin mong mabuti at malaki ang naitutulong sa mga tao?
Kaya naman sana ng Diyos na magpasulpot na lang ng templo sa Jerusalem, ngunit sa halip ay gumamit Siya ng Hari, mga karpintero, mga pari, at mga Levita. Bakit sa palagay mo gumagamit ang Diyos ng mga tao? (Gusto ng Diyos na isali ang mga tao sa Kanyang mga plano. Hindi man ito ang pinakamainam o pinakamabisang paraan dahil ang mga tao ay makasalanan at hindi perpekto katulad ng Diyos. Ngunit katulad ng isang ama na hinahayaan ang kanyang anak na magkumpuni ng ng sirang dingding upang turuan siya at bigyan siya ng silbi, gumagamit ang Diyos ng Kanyang mga tao. Inilalapit ng Diyos ang Kanyang mga tao sa Kanya, tinuturuan silang magmahal katulad ni Jesus at binibigyan sila ng silbi o layunin sa buhay.)
Sa tingin mo ba ay nahatulan na o hahatulan pa lang ng Diyos ang Pilipinas? Paano mo nasabi?
Bakit hindi pinapayagan noon ang mga tao ng Diyos na mag-asawa ng mga banyaga? (Ang Diyos ay hindi “racist”. Ang kautusang ito ay upang ingatan ang mga tao ng Diyos at panatilihin silang dalisay o banal. Maaari silang mag-asawa ng mga banyaga kung ang taong ito ay nangangakong sasambahin tanging ang Diyos lamang at iiwanan niya ang kanyang mga diyos-diyosan. Alam ng Diyos na matutukso ang Kanyang mga tao na sumamba sa mga diyos-diyosan dahil sa kanilang mga asawa.)
Kung ikaw si Ezra at pumunta ka sa inyong kumunidad ngayon, ano sa palagay mo ang pinakamalaking kasalanan ang sasabihin mo sa mga tao na dapat nilang pagsisihan at talikuran?
Comments